Wednesday, March 13, 2013

Kay Binibining C. O. at R.




Si Consuelo Ortiga y Rey ay isang babaeng naging kasintahan ni Jose Rizal. Hindi siya gaanong kilala sa madla at ang impormasyong makakalap lamang tungkol sa pag-iibigan nila ay ang testimonya ng mga tao.

Si Consuelo Ortiga y Rey ay ang pinakamagandang anak ni Don Pablo Ortiga. Marahil dahil dito kaya napaibig niya si Jose Rizal. Isang tula ni Rizal ang nagpapatunay ng kanilang pag-iibigan.

Kay Binibining C. O. at R.

Ano’t ang hihingi’y tulang walang lirip,
Na minsan sa dusa’y baliw na inawit?
Upang ipamukha lamang kanyang tikis
Ang kawalang-turing at kahapong pait?

Ano’t nunuynuyin ang sawing alala,
Ngayong nag-aantay ang pusong suminta;
Tawagin ang gabi sa pag-uumaga,
Nang di nalalamang may ibang araw pa?

Ibig bagá ninyong malaman ang dahil
Nitong pagkahibang sa mga hilahil?
Ibig bagá ninyong sanhi ay alamin,
Kung bakit ayokong pagsinta’y awitin?

Limutin na ninyo. Pagka’t ang dahilang
Nagbibigay lungkot ay bakâ tawanan;
Bangkay ko ang dala sa luksang libingan
Sa aki’y nalibing ang iba pang bangkay.

Hindi mangyayari. Baliw na hangarin,
Panaginip lamang ng kalulwang haling;
Inumin ang nectar ng buhay na hain,
Bayaang ang apdo’y payapang tumining.

Nararamdaman kong ang anino’y muling
Sa kaluluwa ko’y ibig bumaluti;
Buko o higit man, bulaklak ay hindi,
Ang kulang sa kanya’y ilaw ang ngumiti.

Kawawang tulâ ko, sila ay bayaan,
Sila’y pinalaki ng kapighatian,
Buhay nila’y talos kung kanino utang,
Sa inyo, marahil, ay isasalaysay.
 Ayon sa nakatala, si Consuelo ay madalas na humihingi ng mga matatamis na berso mula kay Rizal. Ngunit tulad na lamang ng ibang pag-ibig ni Rizal, hindi rin naman sila nagkatuluyan. Isang dahilan nito ay dahil ayaw ni Rizal na malaman at masaktan si Leonora Rivera. Isa pa, ayaw din ni Rizal na masira ang pagkakaibigan nila ni Eduardo de Lete, isang lalaking patay na patay kay Consuelo, kaya bigla siyang tumigil siya sa panliligaw.

Ang tulang ito, nakalulungkot man at maaaring madilim ang setting ay naghahayag ng damdamin ni Rizal sa naunsyaming relasyon nila ni Consuelo.  










Sources:

No comments:

Post a Comment